Bawal ang TAMAD, Bawal ang TANGA

Kapag binasa mo ang titulo nito, maaaring masindak ka, mainis siguro. Aakalain na isang insulto, di po ba? Ang mahirap kasi sa ating mga Pinoy, "allergic" tayo sa salitang BAWAL. Ang gusto natin ay lubos lubos ligaya na walang kahig mula sa atin.

Ito marahil ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay marami pa ring mga tao ang nagdadalawang isip piliin ang tambalang GORDON-BAYANI. Takot silang mapalo sa puwet ni BF kapag hindi nila ginagawa nang tama ang kanilang mga tungkulin o kung lalabag sila sa batas. Hindi rin nila siguro matanggap na kapag si DICK GORDON ang pangulo, sisiguruhin niyang magtatrabaho ang lahat at mag-aaral ang bawat kabataan, kaya tapos na ang maliligayang araw ng mga mahihilig tumoma mula umaga hanggang gabi at mga batang walang inatupag kundi mag-bilyar o mag-"counterstrike" buong araw.

Hindi ba kapansin-pansin na karamihan ng mga Pilipino ay ganito - imahe ni Juan Tamad(kung bakit siya ang napiling karakter na kumakatawan sa Pinoy ay di ko maintindihan at matanggap), naghihintay na lang na pumatak ang grasya sa harapan niya.  Kaya nga ba marami ang nalilinlang ng ibang mga kandidato, kasi yan ang nais nila - na bumuntot ang mga tao sa kanila dahil hawak nila ang kinabukasan ng mga ito. MALING-MALI!!! Hindi nakasalalay sa ibang tao ang kinabukasan mo, Pinoy. Ito'y nasa iyong mga kamay.  Kaya nga ba ang pakiusap nila RJG at BF ay pag-isipan nang mabuti at pagnilayan nang lubos ang mga iboboto ngayong Mayo 10. Nasa isip at palad ng bawat mamamayang Pilipino ang kinabukasan ng bayang Pilipinas. Pumili nang wasto, bumoto nang nararapat.

Sa tambalang GORDON-BAYANI, makasisiguro tayong kasama nila tayo sa pag-angat muli ng bansang Pilipinas. Kasama tayo sa hirap, kaya't siguradong kabahagi tayo sa ginhawa. Di ba't ang pinakamasarap na tagumpay ay yaong higit mong pinaghirapan at pinagbuhusan ng lakas at panahon? Ito ang sa tingin ko'y higit nang nalilimutan nating mga Pilipino - ang bumakas sa responsibilidad na pagtibayin ang ating bansa. Sa mundong pinagagalaw na ngayon ng "instant" at "automatic", ang nais natin ay yung madaliang asenso at mabilisang kita. Di ba't yan ang dahilan kung bakit talamak ang kurapsyon sa pamahalaan at dayaan tuwing eleksyon?

Narito ang tambalang subok na ng panahon...tambalang sisiguro na lahat tayo ay magtatrabaho...gagawin ang sari-sarili nating mga obligasyon para sa kaunlaran ng bansa. Kaya sila ang aking napili...dahil may malasakit ako sa bayang ito, nais kong makibahagi sa muling pagbangon ng Pilipinas at makaranas ng isang Bagumbayan!

(Ang mga larawan ay hindi ko pag-aari at hiram lamang mula kina Roman Po at A.A. Almonte...maraming salamat po sa kanila)

btemplates
blog comments powered by Disqus