Hindi sino, kundi kanino ang iboboto mo?
This was taken from the notes of Bob Ong on Facebook.
Meron kang dalawang uri ng boto: Ang una ay ang "boto ng konsensya". Ito ay para sa pinunong kinilatis mo, pinag-aralang maigi, pinaniniwalaan, at inaasahang may magagawa para sa bayan. Ang ikalawang uri ay ang "boto ng diskarte". Ito ay para sa kandidatong iboboto mo na lang para hindi manalo ang ayaw mo.
Para sa akin, mas matatanggap kong pamunuan ni Kiko Matsing ang bansa ko nang nagampanan ko nang tama ang tungkulin ko sa bayan bilang botante, kumpara sa makapagluklok ako ng ibang pinuno na resulta ng pagtalikod ko sa obligasyong bumoto nang tama. Dahil sa sandaling talikuran ko ang tama--sa ngalan ng diskarte--ay binibigyan ko na rin ng lisensya ang mga pinuno ng bayan ko na kumilos base sa diskarte, kapalit ng tama.
Ang boto ng konsensya ay base sa pag-asa. Ang boto ng diskarte ay base sa takot.
Ang bayan ng mga botante ng diskarte ay walang maaasahang pamunuan ng konsensya. Ang mga mamamayang kuntento na sa "pangalawang tama" ay mapagkakalooban ng pinunong ganoon din ang pamamalakad. Ang bansang hindi natututo, habambuhay na lang bibigyan ng leksyon.
Ini-endorso ko ang pagboto nang tama. Pwedeng matalo ang kandidato mo, pwedeng mangulelat. Pero mararamdaman mo lang ang kalayaan mo bilang tao at kapangyarihan mo bilang mamamayan sa Ika-sampu ng Mayo pagnasabi mo sa sarili mong "Napagkalooban ako ng karapatang pumili ng pinuno ng bayan ko, at nakaboto ako base sa sarili kong desisyon at ayon sa konsensya ko."
Kalapastanganan sa sariling dangal ang pagboto sa taong iba sa tunay mong pinaniniwalaan--dahil man ito sa may tumutok ng baril sa ulo mo, may bumili ng iyong boto, o mag-isa pong piniling iboto na lang kung sinuman ang tingin mong mananalo.
Hindi nasasayang ang boto sa mga talunang kandidato. Nasasayang ito sa mga talunang botante.
Kung iboboto mo ang boto na ayon sa desisyon ng iba, sino pa ang boboto ng ayon sa desisyon mo?